Pinayuhan ng Dept. of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat laban sa polio virus na maaring makuha sa maruruming kapaligiran.
Ayon sa DOH, kahapon lamang ng magpositibo ang dalawang sewage samples mula sa Maynila sa vaccine-derived poliovirus na lumalabas sa dumi ng mga batang nabakunahan kontra polio.
Paliwanag ni Health Sec. Francisco Duque III, hindi dapat hayaang makapasok ang naturang virus sa katawan ng tao.
Paalala ng kalihim, huwag lumangoy sa maruruming tubig gaya ng Manila Bay, dahil delikado ang tubig doon at posibleng magdala ng naturang virus.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Duque na naglunsad na ng malawakang kampanya para sa bakuna kontra polio ang DOH.
Aniya, posible kasing mag mutate ang nakitang virus at magbalik ang polio na matagal nang nasugpo sa Pilipinas.
Ilan sa sintomas ng polio ay lagnat, pagtatae, at pananakit ng ulo at katawan.
Ang polio virus ay maaring magdulot ng pagkalumpo, habangbuhay na pagkaparalisa o kaya naman ay ika-sawi ng bata.
Napakahalaga po ng ating pagbabakuna laban sa polio at sa mga iba pang sakit na pwedeng maiwasan kapag nakumpleto ang bakunahan. Unang- una back to bakuna tayo, ito po ay makakapagbigay proteksyon panghabambuhay sa inyo pong mahal sa buhay ang kanila pong hinaharap ay nasa inyong mga kamay at balikat, at ‘wag po natin silang biguin sa kanilang magandang kinabukasan,” ani Duque.