DILG binalaan ang mga alkaldeng laging late magsuspinde ng klase tuwing masama ang panahon

0
56

Binalaan ng DILG o Department of Interior and Local Government ang mga alkalde na huli mag-anunsyo ng suspensyon ng klase sa kabila ng maagang abiso ng PAGASA.

Ayon kay DILG Officer in Charge Secretary Eduardo Año, maaaring maharap sa kasong gross neglect of duty ang mga opisyal na aniya’y tamad gumising ng maaga para magsuspendi ng mga klase.

Binigyang diin ni Año, bahagi ng tungkulin ng mga alkalde ang maging alerto at nakabantay sa sitwasyon ng kanyang nasasakupan sa panahon ng bagyo at iba pang kalamidad.

Dagdag pa ni Año, hindi na dapat hintayin pa ng mga local chief executives na umabot sa kritikal na lebel ang baha bago mag-anunsyo ng suspensyon sa klase.

Ang babala ng DILG ay kasunod na rin ng mga natanggap na sumbong ng ahensiya kaugnay sa huling pagsuspinde ng ilang mga local government units noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Henry.