Dapat na hayaan ang korte na magdesisyon sa pagpapalaya sa convicted American soldier na si Joseph Scott Pemberton.
Ito ayon kay Senate President Vicente Sotto III matapos na mapaulat na ipinag-utos ng korte sa Olongapo ang maagang pagpapalaya kay Pemberton.
Sinabi ni Sotto, nakulong si Pemberton sa ilalim ng batas sa Pilipinas kaya’t dapat na hayaan na lamang na gumulong din ang batas hinggil sa pagpapalaya rito.
Nito lamang Setyembre 1 nang ipag-utos ni Judge Roline Ginez-Abalde ang pagpapalaya kay Pemberton matapos nitong paboran ang partial motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Pemberton.
Batay kasi sa mosyon na inihain ni Pemberton, iginiit nito na napagsilbihan na niya ang hatol sa kaniyang hanggang 10 taong pagkabilanggo.
Bagamat limang taon pa lamang nakukulong si Pemberton, isinama na kasi sa computation ng kaniyang pagkabilanggo ang kaniyang preventive imprisonment, aktuwal na service of sentence at ang kaniya nakuhang Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Gayunman, naunsyami naman ang pagpapalaya kay Pemberton matapos itong i-hold ng BuCor dahil na rin sa isinampang mosyon ng pamilya ni Jennifer Laude, ang transgender Filipina na napatay ng nasabing Amerikanong sundalo.