Iriga City – Nakatakdang magpamahagi ng mga certificates of land ownership award (CLOA) at mga makinaryang pangsaka si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Brother John Castriciones sa mga magsasaka ng Albay at Camarines Sur sa Agosto 18 at 19.
Ayon kay DAR-Bicol Regional Director Rodrigo Realubit, pangungunahan ni Brother John ang pamamahagi ng 162 CLOA sa 137 na mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa munisipalidad ng Bula, Baao at Bato sa Camarines Sur.
“Ang aktibidad na ito ay makapagpapalakas sa mga gawaing pang-agrikultural ng Albay at Camarines Sur at maiaangat ang pamumuhay ng mga magsasaka, sapagkat ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang lupain ay magbibigay sa kanila ng inspirasyon upang lalo nilang pagbutihin at gawing produktibo ang kanilang mga gawain sa bukid,” ani Realubit.
Isiniwalat din ni Realubit na sa pagbisita ng Kalihim, siya ay magbibigay din ng mga makinaryang pangsaka sa labindalawang (12) mga agrarian reform beneficiaries organisations (ARBOs) bilang suportang serbisyo sa ilalim ng Agrarian Reform Beneficiaries Development and Sustainability Program (ARBDSP) ng ahensya.
“Ang mga magsasaka ay hindi nag-iisa sa pagpapabuti ng kanilang mga lupain dahil ang DAR ay narito upang ibigay sa kanila ang suportang serbisyo na kanilang kailangan. Bilang isang holistic approach upang maibsan ang kahirapan sa kanayunan at maseguro ang seguridad sa pagkain ng bansa, ang ahensya ay nagbibigay ng iba’t-ibang serbisyo pagkatapos maipamigay ang mga lupain,” ani Realubit.
Makailang beses nang bumisita si Brother John sa rehiyon upang magpamahagi ng mga CLOA at magkaloob ng mga suportang serbisyo upang mapabuti at maitaas ang kalidad ng buhay ng mga magsasaka bilang layunin ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
(Source: DAR Bicol, photo courtesy of Ms Horizon Chaser Facebook page)