Crushed dolomite hindi nakakasama sa kalusugan —DOH

0
10

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi mapanganib sa kalusugan ang malaki-laking klase ng dolomite na ginagamit sa pagpapaganda ng pampang ng Manila Bay.

Ayon sa DOH, ang dolomite na kasing liit na ng alikabok ang siyang nakapagdudulot ng ilang sintomas tulad ng chest discomfort, hirap sa paghinga at ubo na karaniwang reaksyon ng katawan sa mga tinatawag na irritants.

Dagdag ng DOH, may sukat na dalawa hanggang 5 mm ang klase dolomite na ginamit sa kontrobersiyal na Manila Bay white sand project.

Isang daang beses anilang malaki ito kumpara sa alikabok.

Dahil dito, sinabi ng DOH na hindi nadadala ng hangin ang dolomite na ginamit sa Manila Bay.

Tinitiyak din anila ang pagpapatupad ng occupational health at safety standard ng mga manggagawa ng nabanggit na proyekto gayundin ng precautionary measures para makontrol ang posibilidad ng pagbuo ng alikabok mula sa dolomite.

Magugunitang noong Lunes lamang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng magdulot ng problema sa respiratory system ang paglanghap sa durog na dolomite.