CCMC isasarado ulit dahil sa paglobo ng bilang ng COVID-19

0
28

Ipinag-utos ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang muling pagsasara sa Caloocan City Medical Center—South (CCMC) makaraang lumobo pa ang bilang ng mga medical staff nito na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay CCMC Administrator Dr. Fernando Santos, nasa 61 na personnel na aniya nila ang dinapuan ng nakamamatay na virus at kasalukuyang naka-quarantine na.

Kasunod nito, agad na ipinag-utos ni Malapitan ang agarang contact tracing at ang muling pagpapasara sa naturang pagamutan hanggang sa matapos ng mga medical staff ang kani-kanilang 14-day quarantine.

Kabilang sa isasarang pasilidad ng CCMC ay ang emergency room nito mula alas-12:01 ng hatinggabi bukas, August 1 hanggang alas-11:59 ng gabi ng August 14.

Sa datos, naabot na ng CCMC ang ‘overflowing capacity’ nito, kung kaya’t payo nito na dalhin ang mga COVID-suspected o positve sa ibang pagamutan.

Samantala, paglilinaw ni Caloocan City Mayor Malapitan, na patuloy pa rin naman ang pagbibigay serbisyong medikal sa mga naka-admit sa naturang pagamutan, at sa out-patient department na matatagpuan naman sa Old City Hall Plaza.