Burukrasya ng BuCor inirekomendang palitan

0
16

Inirekomenda ng 17 senador na palitan ang burukrasya ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sa report ng senate blue ribbon committee, inilarawan ang BuCor na tinatauhan ng mga bulok at tiwaling opisyal at mga tauhan mula sa itaas hanggang sa pinakababa.

Hindi umano sapat na kasuhan lamang ang mga nakitaan ng ebidensya tulad ng naging rekomendasyon nila kay dating BuCor Chief Nicanor Faeldon para malinis ang BuCor.

Maliban kay Faeldon, inirekomenda rin ng panel ang pagsasampa ng direct bribery at kasong administratibo laban sa tatlong opisyal ng BuCor at tatlong opisyal ng New Bilibid Prison.

Ang mga ito ay sina BuCor chief of documents and record section Ramoncito Roque, BuCor Senior Inspector Mabel Bansil, BuCor Corrections Officer Veronica Buno, Director Ernesto Tamayo ng New Bilibid Prison Hospital Directorate for Health Services, Dr. Ursicio Cenas , medical officer ng NBP hospital at nursing attendant Meryl Benitez.