Binatilyo pinatay ng kapwa menor de edad sa Caloocan City

0
91

Isang 14-anyos na lalaki ang patay matapos paluin nang paulit-ulit ng dos-por-dos ng 15-anyos na lalaki sa Caloocan City.

Kinilala ni Senior Superintendent Restituto Archangel, hepe ng Caloocan City Police, ang biktima na si Rogelio Apron III, residente ng barangay 144 sa Bagong Barrio.

Batay sa CCTV footage, madaling araw ng Biyernes, Agosto 24 nang makita si Apron na naglalakad habang sinusundan ng suspek na may hawak na kahoy at ilan pang lalaki.

Ilang sandali pa ay mag-isang pinuntahan ng suspek ang biktima habang tila nanonood lang ang ilan pang istambay at may kumukuha pa ng video.

Matapos nito ay tumakas na ang hindi pa nakikilalang binatilyo habang naiwan ang biktima na walang malay na isinugod pa sa ospital pero binawian din ng buhay matapos ma-comatose.

Samantala, sasampahan pa rin aniya nila ng kasong murder ang suspek kahit menor de edad ito.

—-