Na-abot ng pamahalaan ang target na maisalang ang dalawang milyong mga Pilipino sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), nasa kabuuang 2,051,000 na ang sumailalim sa COVID-19 test mula sa 109 na mga lisensyadong laborayoryo sa bansa.
Una rito, tiniyak ni testing czar Vince Dizon na posibleng pumalo na sa dalawang milyong mga Pilipino ang maitetest pagsapit ng buwan ng Agosto.
Ayon sa datos ng DOH, mula sa dalawang milyong mga Pilipino na isinailalim sa COVID-19 tests, nasa kabuuang 214,444 ang mga nag positibo sa COVID-19 kaya’t nasa 10.5% na ang positivity rate ng bansa.
Gayunman, nasa 178,022 lamang ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Una rito, ipinaliwanag ng DOH na hindi agad maaring ideklarang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang mga nag positibo sa mga covid 19 tests.
Giit ng DOH, kailangan pa kasing i-validate ng mga laboratoryo ang mga nag positibo sa COVID-19, ngunit hindi naman anila ito nangangahulugang na backlog ang mga naturang kaso.