Bilang ng mga Pinoy na ililikas sa Wuhan, China umabot sa 56 —DFA

0
11

Pumalo na sa 56 ang bilang ng mga ililikas na Pilipino mula sa Wuhan City, ang itinuturing na ground zero ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV-ARD) sa China.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecreatry Brigido Dulay, agad na ililipad pabalik ng Manila ang mga nabanggit na Pinoy oras na makakuha na sila ng go-signal mula sa mga awtoridad sa China.

Aniya, nakaantabay na ang limang kawani ng DFA at lima rin mula sa Department of Health para sa repatriation.

Sinabi ni Dulay, dahil kalat-kalat ang mga Pilipino sa Wuhan City, isinasaayos na nila ang pagtitipon sa mga ito sa iisang lugar sa lungsod para sa mabilis na paglilikas sa mga ito.

Dagdag ni Dulay, may inilatag ng proseso ang Chinese government na kanilang susundin para mabilis na repatriation.

Samantala, posible naman aniyang mabawasan ang bilang ng mga ililikas na Pilipino kung makikitaan ang ilan sa mga ito ng sintomas ng trangkaso.