Bilang ng mga nagka-problemang vote counting machines tumaas pa

0
44

Nag triple ngayong 2019 midterm elections ang bilang ng mga nagka-aberyang Vote-Counting Machines o VCM.

Batay sa tala ng Commission on Elections, tinatayang aabot sa 400 hanggang 600 VCM ang pumalya na triple sa bilang na naitala noong 2016 national elections na 188.

Ilan sa mga naging problema sa VCM ay ang insidente ng maling paglabas ng mga pangalan sa voting receipts, pag-overheat ng mga makina at hindi pagbubukas ng mga VCM.

Aabot sa 85, 000 VCM ang nakakalat sa buong bansa.


Ilang opisyal nakaranas din ng aberya sa kanilang pagboto

Nakaranas din ng aberya sa kanilang pagboto ang ilang opisyal ng pamahalaan ngayong 2019 elections.

Gaya na lamang ni dating vice president Jejomar Binay na 8 beses iniluwa ng VCM ang kaniyang balotang ginamit.

Si Re-Electionist Sen. Grace Poe na inabot ng 3 oras bago nakaboto matapos magkaproblema ang vote counting machine sa Sta. Lucia Elementary School sa San Juan City.

Inabot naman ng dalawa’t kalahating oras sa pagpila si Senador Sonny Angara kasama ang asawang si Tootsy sa Suklayin Elementary School sa Barangay Suklayin, Baler Aurora.

Nag post naman sa Facebook ng kaniyang karanasan sa kaniyang pagboto si Agriculture Secretary Manny Piñol matapos umanong hindi tanggapin ng vote counting machine ang kaniyang balota dahil sa may ballpen marking sa gilid na aksidenteng nalagyan ng isang electoral board member.

Isang oras ding naghintay si dating pangulong Noynoy Aquino matapos namang mag overheat ang VCM sa kaniyang presinto.