Bagyong Gardo malabo nang maging super typhoon—PAGASA

0
68

Napanatili ng bagyong Gardo ang lakas nito habang kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran sa bahagi ng Philippine Sea.

Huling namataan ang bagyo sa layong 1,165 km Silangan ng Basco, Batanes.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 200 kph malapit sa gitna at pagbugsong papalo sa 245 kph.

Gumagalaw ang bagyo sa direksyong pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 30 kph.

Ayon sa PAGASA, malabo nang maging super typhoon ang bagyong Gardo at hindi ito inaasahang tatama sa lupa.

Gayunman, sinabi ng PAGASA na palalakasin ng bagyo ang hanging habagat  na magdadala ng mga pag-ulan sa MIMAROPA at Western Visayas, at pabugso-bugsong pag-ulan naman sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Zambales, Bataan, at Aurora.

Pinag-iingat ang mga residente na nasa mabababang lugar laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nananatiling mapanganib naman ang paglalayag sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon.

Sa Miyerkoles pa ng madaling araw lalabas ng Philippinbe Area of Responsibility ang bagyo kung saan tuutmbukin ang Taiwan at China. —AR

NDRRMC

Mahigpit na tinututukan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council oNDRRMC ang sitwasyon sa mga lugar na posibleng mahagip ng bagyong Gardo.

Ayon kay NDRRMC Spokesman Edgar Posadas, nakikipag-ugnayan na sila sa mga lugar na inaasahang makararanas ng malakas na ulan bunsod ng hanging habagat na pinaigting ng bagyong Gardo.

Kasabay nito, umapela rin si Posadas sa publiko na manatiling nakaalerto sa posibleng hagupit na maranasan ng ilang bahagi ng bansa bagama’t wala itong direktang epekto.

Samantala, tiniyak din ng MMDA o Metropolitan Manila Development Authority ang kanilang kahandaan sa mga posibleng maging epekto ng bagyong Gardo sa kalakhang Maynila.

Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia, bukod sa kanilang mga ikinasang pagpupulong bilang paghahanda sa pagpasok ng bagyong Gardo, patuloy din silang nakikipag-ugnayan sa iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

–Krista de Dios