(Baguio City) Kinilala ang mga magsasaka ng gulay at ang mga Small and Medium Entrepreneurs o ang SME’s na malaki ang naitulong sa kanila ang pagtitinda nila sa Baguio Convention Center sa ginanap na Kadiwa ng Pangulo kasabay ng Job Fair para sa Araw ng Manggagawa o ang Labor Day.
Sinabi ni Claudine Yossayos, sa grupo ng “Young Farmers” ng Baguio at Benguet, sa pamamagitan ng nasabing gawain ay nabigyan sila ng dangal bilang magsasaka at ang pagkakataon na magbenta ng kanilang produkto. Dahil dito, anya ay lumalaki ang kanilang puhunan at ang pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan.
Samantala, Sinabi naman ni Ana Metua Lang-ay na taga Santo Tomas, Central, Baguio City na malaking bagay sa kanila ang pagtinda nila sa Baguio Convention Center dahil sa marami silang nakilalang bagong mamimil. Ganon din ang sinabi ni Daisy Maingpis na taga Gumatdang Itogon, Benguet na miyembro ng Something to Eat Everyday o sa maikling salita – SEED DAPONG na nagtitinda ng mga tray ng itlog sa nasabing gawain.
Samantala, sa paliwanag ni DOLE-CAR assistant regional director Emerito Narag, ang nasabing gawain ay isang tulong sa mga manggagawa ganon sa mga magsasaka at maging sa mga small and medium enterprises or mga maliliit na negosiante upang magkaroon sila ng pagkakakitaan.
Sa kaugnay na balita, sinabi ni Narag na humigit kumulang sa dalawang libong trabaho ang naialok sa mga naghahanap ng trabaho dito samantalang mahigit sa limang libong trabaho ang inalok sa mga nagnanais na magtrabaho sa ibayong dagat. (RPN-Baguio/Joel Cervantes)
