Baguio City – Pinahinto ng pinagsanib na pagkilos ng lokal na pamahalaan, ng Baguio Water District at ng Baguio City Police Office ang illegal ng pagtatayo ng konkretong poste sa loob ng kagubatan ng Busol reservation.
Ito ang napag-alaman ni Mayor Benjamin Magalong mula kay BWD General Manager Salvador Royeca na nagsabi na ang mga tauhan ng BWD ang nakapansin ng presensiya ng illegal na pagtatayo kongretong poste sa Amsing, Pacdal na loob mismo ng Busol forest reservation.
Maliban dito, nakakita rin sila ng scaffolding, pormang kahoy at iba’t ibang gamit konstrusyon sa naturang lugar.
Agad inutusan ng Alkalde ang City Buildings and Architecture Office na magsagawa ng pagsisiyasat at inatasan ang may-ari nito na huwag ng ipagpatuloy ang pagtatayo.
Napag-alaman ng mga pulis na ang mga poste ay sinadya upang bakuran ang naturang lugar upang pangalagaan ang mga nakatira mula sa mga magnanakaw.
Ang may-ari umano ay isang may kapansanan na nagsabi na ang mga manggagawa ay tumawid umano sa hanganan nang walang pahintulot mula sa kanya.
Ayon din sa mga pulis, ang insidente ay una nang inulat kamakailan lamang na nagudyok sa barangay na magsagawa ng inspeksyon at nagpalabas ng kautusan para kaagad na pagpapahinto ng trabaho ng pagtatayo nito. (Joel Cervantes & Jimmy Bernabe)
(Source: PIO Baguio)
