Babaeng May Sakit Sa Pag-Iisip Na Nag Positibo Sa COVID-19 Sa Bato, Catanduanes, 2 Beses Na Tumakas Sa Isolation Facility

0
179
Isang babaeng may problema sa pag-iisip o ‘mentally incapacitated’ na nag positibo sa COVID-19, ang hindi lang isa ngunit dalawang beses na tumakas sa isolation facility sa bayan ng Bato, Catanduanes.
Ayon sa ulat, kilala umano ito sa lugar sa ngalan na “Cecilia”, at inilarawan sa pagkakaroon ng maikling buhok at matagal nang nagpapalaboy-laboy sa naturang lugar.
Sa panayam sa alkalde ng Bato na si Mayor Juan Rodulfo, ang pasyente na edad 52-anyos at residente ng Brgy. Libtong ay nakitaan ng sintomas ng COVID-19, nitong nakaraang linggo kung kaya’t agad itong idinulog sa BHERT upang isailalim sa RT-PCR test.
Matapos makunan ng swab sample, dinala ito sa isang Day Care center ng barangay upang i-isolate. Sa parehong araw na iyon, sinira ng pasyente ang pintuan ng quarantine facility at tumakas papunta sa bukirin na bahagi ng barangay.
Natunton ito ng mga barangay officials nitong Setyembre 21 at dinala sa isa pang quarantine facility, ngunit muli nanamang tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa kisame.
Araw ng Miyerkules, lumabas ang resulta ng swab test nito na positibo ang babae sa COVID-19 at makalipas ang tatlong araw na paghahanap, Biyernes ng umaga kahapon nang matunton ito ng mga otoridad sa Plaza Rizal sa bayan ng Virac.
Dahil sa insidente, nangangamba ngayon ang LGU-Bato sa posibilidad na marami nang nakahalubilo ang babae sa ilang araw na pagkawala nito.
Bunsod nito ay nananawagan ngayon ang LGU sa lahat ng mga residente ng kanilang bayan at maging sa mga taga Virac na mag self-isolate kung sakali mang makaranas ng sintomas matapos na makahalubilo ang babae.
Sa ngayon ay mahigpit na itong binabantayan at nasa kustodiya na ng mga otoridad sa bayan ng Bato, habang inaalam pa rin kung mayroon itong kamag-anak at kung ano ang kanyang naging pamamaraan upang makapunta sa bayan ng Virac.
(Source: Brigada News Bicol)

Leave a Reply