6 na mga lalawigan nakahanda nang makibahagi sa Balik Probinsiya Program

0
17

Nakahanda na ang nasa anim na mga probinsiya para makibahagi sa pilot testing ng balik probinsya bagong pag-asa program ng pamahalaan.

Ayon kay Senador Christopher Bong Go, kabilang sa nabanggit na anim na probinsiya ang Leyte, Zamboanga Del Norte, Lanao Del Norte, Bukidnon, North Cotabato at Camarines Sur.

Sinabi pa ni Go, nasa 3,000 katao na rin ang natukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) authority na nais makibahagi sa programa.

Aniya, isasailalim na sa verification ang mga nabanggit na indibidwal para malaman ang kanilang pinagmulang probinsiya at agad na mabigyan ng tulong.

Dagdag ni Go, maliban sa ipagkakaloob na tulong sa transportasyon ng DSWD, bibigyan din ng mga food packs, hygiene kits at iba pang mga non-food items ang mga indibidwal na nais sumailalim sa balik probinsya program.

Magbibigay din aniya ng tulong ang DOLE para naman sa mga nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng TUPAD – GIP o tulong panghanapbuhay sa ating disadvantaged or displaced workers program and government internship program.

Habang aasikasuhin naman aniya ng National Housing Authority at department of settlements and urban development ang benipisyo para sa murang pabahay.