44k na mga estudyante sa mga SUC’s hindi pa nakapag-enroll para sa SY 2020-2021

0
19

Tinatayang 44,000 mga mag-aaral sa mga state universities and colleges (SUC’s) ang hindi nakapag-enroll para sa academic year 2020-2021.

Batay ito sa isinagawang survey ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) sa may 112 SUC’s sa bansa.

Ayon kay PASUC President Tirso Ronquillo, maraming mga magulang ng mga naturang estudyante ang nawalan ng trabaho habang may ilan naman ang nangangamba sa pasukan dahil sa COVID-19.

Maliban dito, mayroon din aniyang pinili na lamang ang mag-drop out dahil hindi kayang sumabay sa bagong paraan ng pag-aaral.

Sinabi ni Ronquillo, magsasagawa silang muli ng panibagong survey sa Oktubre para makita ang eksaktong bilang ng mga pansamantalang tumigil na mga mag-aaral ng mga SUC’s.

Samantala, hiniling ng PASUC sa Commission on Higher Education (CHED) ang pagrepaso sa patakaran hinggil sa pagtanggap ng SUC’s ng mga dayuhang estudyante.

Iginiit ni Ronquillo, nararapat lamang bigyan ng prayoridad sa pagpasok at makatanggap ng edukasyon ang mga Filipino.