21 residente ng San Roque, QC pansamantalang makalalaya matapos maaresto sa pagkikilos-protesta

0
21

Pansamantalang palalayain ng Philippine National Police (PNP) ang 21 residente ng Sitio San Roque sa Quezon City na kanilang inaresto matapos na magkasa ng kilos protesta na nauwi sa riot.

Matatandang nagtipon sa kahabaan ng EDSA ang 21 akusado matapos na ipanawagan ang ayuda mula sa gobyerno dahil sa gutom na kanilang dinaranas sa gitna ng lockdown bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang piyansa ng mga akusado ay pinag-ambagan ng mga artistang sina Jodi Santa Maria, Enchong Dee, Ria Atayde, pamilya ni Senador Francis Pangilinan at iba pa, matapos na maantig sa kwento ng mga gutom na residente.

Dahil dito, pinapayagan ng PNP na pansamantalang bigyan ng kalayaan ang mga ito habang gumugulong ang kaso.

Magugunitang una nang sinabi ng tanggapan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi sila interesadong kasuhan ang mga nabanggit na akusado at pursigido pa rin ang pulisya sa inihaing reklamo.

Samantala, muling nanawagan ang PNP sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang protesta at anumang pagtitipon ng maraming tao habang umiiral ang enhanced community quarantine.