2 pang kilabot na kriminal na kabilang sa MWP ng DILG, PNP naaresto

0
15

Laglag sa kamay ng pulisya ang dalawang most wanted person (MWP) sa listahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ito’y makaraang ikasa ng PNP intellegence group ang magkahiwalay na operasyon nito sa Ilocos Norte at Davao Del Norte nitong isang linggo.

Batay sa ulat ng PNP intell group kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, kabilang sa kanilang mga nasakote sina Willer Advincula at Zaldy Zabala.

Naaresto si Advincula sa Purok 2, Brgy. Kanaan, Katipunan District 3 sa Samal City habang sa Brgy. Dose Namuroc sa Vintar, Ilocos Norte naman si Zabala.

May patong na P90,000 laban kay Advincula habang P140,000 naman kay Zabala na kapwa dahil sa kasong murder na isinampa laban sa kanila.

Ayon kay Gamboa, 15 taon din nagtago ang dalawa subalit ngayon ay nalaglag na sa kamay ng batas dahil sa pinaigting na hakbang para tugisin ang mga kilabot na kriminal.