16 katao sugatan sa sunog sa Tondo

0
17

Sugatan  ang 16 katao sa pagsiklab ng sunog sa isang residential-commercial building sa Lakandula Street, Tondo, Maynila.

Kabilang sa mga nasugatan ang may-ari ng gusali na kinilalang si Perfecto Tiu.

Ayon kay Tiu, natutulog sya sa ikalawang palapag ng gusali nang sumiklab ang sunog pasado alas-5 kaninang umaga.

Aniya, 1960’s pa nang itayo ang kanyang pagmamay-aring gusali kung saan ilan sa mga nangungupahan ay ginagamit ito bilang bodega ng mga tela, dahilan naman ng pahirapang pag-apula sa sunog.

Umakyat pa sa ikalimang alarma ang sunog bago ito idineklarang fire under control pasado alas-9 ng umaga.

Patuloy namang iniimbestigahan ang dahilan ng sunog at kabuuang halaga ng mga naabong ari-arian.

Samantala, sinuspinde na rin ang klase sa kalapit na Holy Child Catholic School. —ulat ni Aya Yupangco (Patrol 5)