ZAMBOANGA: MAGKAKAROON ANG CAMP SUSANA NG BAGONG 2-PALAPAG, 8-SILID-ARALAN NA GUSALING PANG-ESKWELAHAN

    0
    0

    Ang Camp Susana Integrated School sa Barangay La Paz ay magkakaroon ng bagong dalawang-palapag at walong-silid-aralan na gusali para sa Junior High School, na nagkakahalaga ng 14.9 Million Pesos. Isinagawa ang groundbreaking ceremony para rito sa pangunguna ni Mayor Khymer Olaso noong Huwebes Nobyembre 19.

    Ang proyekto, na sumasaklaw sa kabuuang lawak na 4,244.26 metro kuwadrado, ay naglalayong magbigay ng karagdagang mga silid-aralan para sa paaralan, habang patuloy na namumunuhan ang pamahalaang lungsod sa mga imprastraktura para sa edukasyon.

    Ang S28 Construction and Supply ang siyang gagawa ng konstruksyon, sa ilalim ng pangangasiwa ng City Engineer’s Office.

    Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Olaso ang kahalagahan ng edukasyon sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan. Binigyang-diin din niya ang pangangailangan para sa pamahalaang lungsod na suportahan ang mga paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pasilidad para sa pag-aaral. Humingi rin siya ng gabay at pagpapala mula sa Poong Maykapal para sa proyektong ito.

    Dumalo sa seremonya sina Vice Mayor Beng Climaco at mga Konsehal na sina Bong Atilano, El-King Omaga, at Atty. Gian Enriquez. Kasama rin sa mga dumalo ang School Principal na si Joey D. Del Mundo, mga guro ng Camp Susana, mga opisyal ng Barangay, mga kawani ng City Engineer’s Office, at mga kinatawan mula sa S28 Construction and Supply.

    Sa isa pang aktibidad bandang 2:30 ng hapon pinangunahan din ni Mayor Olaso ang Groundbreaking Ceremony para sa isang anim-na-palapag at 36-silid-aralan na gusaling pang-eskwelahan sa Barangay Talon-Talon. (Algie Rojas)

    Source: City Government of Zamboanga.

    LEAVE A REPLY