Nakipag-ugnayan ang The Art Box Entertainment (ABE) sa pamahalaang lungsod upang pag-aralan ang posibilidad na dalhin ang EuroXtreme Circus Carnavale sa lungsod sa taong 2027.
Nakipagpulong kamakailan sina ABE President Kimberly Lee at Tour Director/Executive Producer Kenneth Lee kay Executive Assistant Rosendo Castillo III, sa City Budget Officer, at iba pang kinatawan ng pamahalaang lungsod. Iniharap nila ang opisyal na panukala para sa kaganapan, mga posibleng lugar ng pagdarausan, at iba pang mga kaayusan at dokumentong kinalailangan para sa nasabing palabas.
Sa talakayan, iminungkahi nina Lee ang dalawang posibleng lugar: ang Integrated Bus Terminal (IBT) sa Divisoria o ang parking lot ng KCC Mall de Zamboanga sa Camins.
Ang nasabing kaganapan ay nakatakdang ganapin sa pagitan ng Pebrero at Marso 2027, depende pa sa mga susunod na pag-uusap at paghahanda.
Ang EuroXtreme Carnavale ay isang dalawang-oras na internasyonal na palabas sa sirko na nagtatampok ng mga kapana-panabik na stunt, nakamamanghang aerial performance, nakakatawang mga payaso, at mga world-class na pagtatanghal na nagdadala ng mahika ng sirko mula sa Europa para sa mga manonood na Pilipino.
Ang produksyong ito ay nakapagtanghal na rin sa ibang mga lungsod, kabilang ang General Santos City, Cagayan de Oro, at Davao, at ngayon ay tinitignan naman ang Zamboanga City Bilang isa sa mga susunod nitong destinasyon. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
