Nagtipon-tipon sa Zamboanga City ang mga school guidance counselor, guidance associate, edukador, at social worker mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon para sa ika-26 na Regional Training Workshop ng Philippine Guidance and Counseling Association (PGCA).
Sa pangunguna ng Philippine Guidance and Counseling Association (PCGA) Zamboanga City Chapter Inc., ang aktibidad ay may temang: “The Global Helping Professionals: Images. Realities. Aspirations.”
Pinagsama-sama ng dalawang araw na kaganapan ang mga propesyonal na nagbibigay ng tulong at serbisyo (helping professionals) upang talakayin ang mga isyu at pamamaraang mahalaga sa kanilang trabaho.
Binigyang-diin ni Mayor Khymer Olaso na kinatawan ni Rosendo Castillo III, ang kahalagahan ng pagtugon sa mga isyung nakaaapekto sa kapakanan ng mga indibidwal, partikular na sa pamamagitan ng mas mahusay na komunikasyon at mas matibay na sistema ng suporta.
Binigyang-diin ni Castillo na ang komunikasyon ay nangangailangan ng pagunawa sa taong kausap at pakikibagay sa kanilang antas ng pag-unawa. Binigyang-pansin din niya ang kahalagahan ng matibay na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga organisasyon ng civil society sa pagsuporta sa kapakanan ng mga indibidwal at komunidad.
Bukod dito, hinikayat ni Castillo ang mga guidance counselor na patuloy na matuto, tumuklas ng mga bagong pamamaraan, at hamunin ang kanilang sarili na maging mas mahusay na mga propesyonal na makapaglilingkod bilang inspirasyon at pag-asa sa mga taong kanilang tinutulungan. Sa loob ng dalawang araw na workshop, lumahok ang mga kalahok sa iba’t ibang sesyon, kabilang ang tungkol sa mental health at kapakanan sa basic education, cognitive distortions at labis na paggamit ng AI, family counseling, mga aktibidad sa pagtuturo at pagkatuto na gumagamit ng AI, child safeguarding, counseling para sa mga biktima ng pang aabuso at mga marginalized na indibidwal, at emotion focused therapy sa counseling para sa mga magkapareha.
Isa sa mga tampok na bahagi ng aktibidad ay ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na opisyal para sa terminong 2026-2028 ng PGCA Zamboanga City Chapter Inc., kung saan pinangunahan ang panunumpa ni Dr. Evangeline Aguilan, ang pangulo ng Philippine Guidance and Counseling Association, Inc. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
