Nagsimula noong Martes, Setyembre 8 sa Zamboanga City ang ika-9 na Regional Organic Agriculture Congress (ROAC) 2026 isang pagtitipon ng mga agriculturist at opisyal ng agrikultura mula sa iba’t ibang munisipalidad at lalawigan sa Zamboanga Peninsula. Pinangasiwaan nang Department of Agriculture Regional Field Office IX (DA-RFO IX) at ng Pamahalaang Lungsod ng Zamboanga, ang tatlong-araw na kongreso ay may temang “Kabuhayang Organic Agriculture, Kinabukasang OK: Organikong Pagkain, sa Pamilya ay Ihain.”
Sa kanyang mensahe sa mga delegado, ibinahagi ni Mayor Khymer Olaso ang mga natutunan niya mula sa kanyang kamakailang pagbisita sa Estados Unidos, kung saan nakita niya ang mga oportunidad para makapasok sa mga dayuhang merkado ang mga produktong lokal. Binanggit niya ang cassava at iba pang lokal na produkto bilang mga may potensyal para sa export at kalakalan sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-diin din ng alkalde ang pangako ng kanyang administrasyon sa mga praktis na sustainable at makakalikasan, pati na rin sa seguridad sa pagkain. Ibinahagi niya na ang lungsod ay nagtatanim ng mga lupang pag-aari ng pamahalaan bilang isang pangmatagalang hakbang na magbibigay benepisyo hindi lamang sa kasalukuyang henerasyon kundi pati na rin sa hinaharap.
Isa sa mga tampok sa Kongreso ay ang pagtatanghal ng mga organikong produkto mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, kung saan ipinapakita ng mga organic grower at mga sakahan ang kanilang mga ani sa iba’t ibang booth. Ang ROAC ay tatagal hanggang Setyembre 10, at may nakahandang serye ng mga aktibidad para sa mga presentasyon at talakayan tungkol sa mga programa at proyekto sa agrikultura, pati na rin ang farm tour. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga.
