Security detail ni Sen. Trillanes muling susuriin ng PNP-PSPG

0
57

Muling susuriin ng PNP PSPG o Police Security and Protection Group ang kanilang pasya na bawiin ang nakatalagang security detail kay Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon kay PNP PSPG Director Senior Supt. Filmore Escobal, makikipag-ugnayan sila sa Armed Forces of the Philippines para kumpirmahin kung tinanggalan din ng military security detail si Trillanes.

Una nang ipinaliwanag ni Escobal na hindi na ni-renew pa ng PNP ang assignment ng police escort ni Trillanes dahil meron na itong dalawang security mula sa AFP, dalawang mula sa Philippine Navy at dalawa mula sa senado.

Gayunman, inihayag ni Trillanes na bukod sa binawi ang kanyang police escorts, hindi na rin aniya ni-renew ng AFP ang kanyang military security detail matapos mag-expire noong katapusan ng Hunyo.


Albayalde nilinaw na hindi iniutos ang pagtatanggal sa security detail ni Trillanes

Nilinaw ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde na hindi ipinag-utos ang pagtanggal sa police security detail ni Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Albayalde, posibleng nag-expire na ang letter order para sa pagbibigay ng security kay Trillanes.

Kinakailangan aniya ng senador na magrenew ng request sa PNP dahil hindi ito permanente.

Dagdag ni Albayalde, kanyang isasangguni muna kay Police Security and Protection Group Director Senior Supt. Filmore Escobal ang proseso sa renewal nito.