Sariling COVID-19 testing center ng PNP aprubado na ng DOH

0
14

Nagtatayo na ang Philippine National Police (PNP) ng sariling coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing center kasunod ng pagdami ng mga pulis na nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19.

Ayon kay PNP chief P/Gen. Archie Gamboa, pasado na sa Department of Health (DOH) ang tinatayong gusali na magsasagawa ng RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test.

Aniya, nagsasanay na rin ang apat na miyembro ng PNP Health Service upang italaga sa ginagawang COVID-19 testing center upang hindi na idaan sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) gayung tambak na rin ang ginagawa nitong pagsusuri.

Paliwanag ni Gamboa, na ang naturang hakbang ay para hindi maging pabigat sa pamahalaan sa pag-aasikaso sa mga nagpopositibo at maging nakakaramdam ng sintomas ng COVID-19.

Sa pinakahuling update, pumalo na sa 93 ang bilang ng pulis na nagpositibo sa nasabing virus.