Release order ni Sanchez isiniwalat

0
37

Isiniwalat ng pamilya ni convicted murderer-rapist at dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez na meron na itong release order na may petsa Agosto 20 bago pa man lumabas ang ulat ng maaagang pagpapalaya dito.

Ayon kay Allan Antonio Sanchez, panganay na anak ng dating Alkalde, ipinagbigay alam sa kanila ng isang hindi niya na pinangalanang tao ang nasabing release order para sa kanilang ama.

Dahil dito, nagtungo sila agad sa New Bilibid Prison para sunduin ang ama na inaasahan na nilang maagang makakalaya.

Gayunman, sinabi ni Allan Antonio na nang makarating na sila sa parking lot ng piitan, nakatanggap naman sila ng text message na nagsabing on-hold muna ang pagpapalaya kay dating Mayor Sanchez dahil lumabas umano ang balita sa media.

Dagdag pa ni Allan Antonio, sumailalim na rin sa fingerprinting process ang kanyang ama na bahagi ng procedure para sa mga makakalayang bilanggo.

Kaugnay nito, kinuwestiyon ng pamilya Sanchez ang pagkakaantala sa pagpapalaya sa dating Alkalde gayung meron na anila itong relese order.

Kanila rin anilang ipinagtataka ang tila pagbabago sa tono ni Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon sa usapin matapos makatanggap ng batikos ang maaga sanang pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Sanchez.