Presyo Ng Karne Sa Bicol Region Naka Price Freeze

0
264




Iriga City – Dahil sa paglubo ng kaso ng African Swine fever sa bansa nito lang nakaraang linggo, inilagay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinas sa State of Calamity. Alinsabay nito, ang Department of Agriculture (DA) 5 ay nagpatupad ng price freeze sa mga pangunahing kalakal kabilang na ang karneng baboy, baka at manok sa buong rehiyon.

Nakasaad sa Section 6 ng RA 7581 o ang Price Act of 1992 na lahat ng pangunahing pangangailangan tulad ng agricultural crops, karne, at manok, ay awtomatikong mapapako sa kasalukuyang presyo nito kapag ang isang lugar ay isinailalim sa state of calamity.

Sa pahayag ng tagapagsalita ng DA Bicol na si Gng. Emily Bordado, mahigpit na ipinagbabawal sa mga magtitinda ang magbago ng kanilang presyo sa mga kalakal na kasama sa naka-price freeze, ito ay base na rin sa inilabas na kautusan noong Miyerkules, Mayo 12, 2021. Dahil dito, ang mga presyo ng pangunahing bilihin sa mga lungsod at probinsya ay mananatiling “frozen” sa loob ng 60 araw. Dagdag pa ni Bordado, ang mahuhuling magtitinda na hindi sumusunod sa itinalagang presyo ay mapapatawan ng kaparusahan at pagmumultahin ng ₱ 1 milyon at pagkakakulong na hindi bababa sa sampung taon.

Sa ilalim ng inimplementang kautusan, ang presyo ng karneng baboy ay maglalaro sa ₱ 270.00-₱ 350.00 kada kilo, ang karneng baka nama’y ₱ 380 to ₱ 420 per kg at ang isang buong manok ay magkakahalaga sa ₱ 180 to ₱ 200 per kg, depende sa bentahan sa mga lugar sa Bicol.

Hinihikayat naman ng ahensya ang publiko na dumulog at iulat sa kanila ang mga magtitindang lumalabag sa umiiral na kasunduan ngayon. Makipag-ugnayan lamang sa 0939-5666-8973 para sa mga reklamo hinggil dito.

(Source: DA Bicol)

Leave a Reply