Parole, probation ng mga inmates sa piitan minamadali na ng DOJ —Spox

    0
    17

    Minamadali na ng Department of Justice (DOJ) ang pagpoproseso sa parole at probation ng mga preso upang lumuwag na ang mga bilangguan sa bansa, kasunod ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng piitan.

    Ito ang inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque, kasabay ng pagbatid nitong pagtatalaga ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng isolation areas para sa mga detenidong nagpositibo sa COVID-19 na naghihintay o sumasailalim sa pagsusuri.

    Samantala, magugunitang kamakalawa lamang ng gabi nang mamatay ang dalawang babaeng bilanggo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong dahil sa COVID-19.

    Sa pagkamatay ng dalawa, umabot na sa tatlo ang kabuuang bilang ng mga preso na namatay dahil sa naturang virus habang nakakulong.