Hindi tinanggap ng Department of Education (DepEd) ang panukala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist na ‘pass or fail’ grading system sa ipatutupad na distance learning para sa academic school year 2020-2021.
Ayon kay Education Sec. Leonor Briones, posible kasi makaapekto ang nasabing iskima sa performance ng mga high performing school at mga estudyante.
Sinabi ni Briones, dapat na isipin ang mga ipatutupad na hakbang at isaalang-alang ang kapanan ng mga mag-aaral at mga guro.
Matatandaang, sinabi ng ACT na isang malaking hamon ang pagpapatuloy ng numeric grading system para sa mga estudyanteng kapos palad o hirap na makasabay sa distance learning.
Una rito, sinabi ni Education Undersec. for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na hindi uubra ang pass-or-fail system dahil dagdag trabaho pa ito sa mga guro kung saan kinakailangan pa aniya nilang pag-aralan ang bagong sistema ng pagbibigay grado sa mga mag-aaral.
Sinabi pa ni San Antonio, kailangan din na mabigyang motibasyon ang mga estudyante para mas maging interesado ang mga ito na mag-aral.