Panukala ng isang proponent para sa smart urban mobility project ng siudad ng Baguio di pa pinal ayon kay Mayor Benjamin Magalong

0
16
photo courtesy of PIO Baguio

Baguio City – Nilinaw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hindi pa pinal at bahagi lamang ng resulta ng pag-aaral bilang parte ng panukala ng isang proponent para sa smart urban mobility project ng siyudad ang P250 congestion fee sa mga pribadong sasakyan sa Baguio City.

Umani ng negatibong reaksyon ang nasabing congestion fee pagkatapos itong mabanggit sa public consultation noong June 5 kung saan iprinisinta ng proponent na Metro Pacific Tollways Corporation ang konsepto ng kanilang panukalang proyekto.

Ngunit ayon kay Mayor Benjamin Magalong, ang congestion fee o maging ang kabuuang proposal ay hindi pa pinal at kasalukuyan pa lamang pinapagbigay alam sa publiko sa pamamagitan ng serye ng public consultations na sinasagawa upang kumalap ng opinyon at malaman ang saloobin ng mga tao base sa layunin ng administrasyon na maging bukas at matapat sa publiko.

Sinabi rin ng alkalde na ang nasabing congestion fee ay hango sa pag-aaral ng nasabing kumpanya at hindi inimbento ng syudad upang basta na lamang makapaningil at magdagdag pasakit sa publiko na gaya ng akusasyong ipinapakalat ng ilan.

Ayon sa Metro Pacific, ipinakita ng feasibility study na isinagawa para sa kanilang proposal na kung sakaling magpapataw ng P250 na congestion fee sa mga pribadong sasakyan, bente porsyento ng mga motorista ang iiwas gumamit pa ng kanilang sasakyan sa peak hours at sa lugar kung kailan at saan nakapataw ang congestion fee.

Pinakita rin daw ng pag-aaral na epektibo ang pagpataw ng congestion fee upang mabawasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar na sakop ng nito. Matatandaang isinusulong ng syudad ng Baguio sa pamamagitan ng Private Public Partnership (PPP) scheme ang smart mobility project para sa pangmatagalang solusyon sa problema sa trapiko sa syudad.

Sa pamamagitan ng proyekto, isasaayos ang sistema ng pampublikong sasakyan upang maging mas maaasahan ng publiko na hindi na kailangang gumamit pa ng pribadong sasakyan. Sa ganitong paraan, mababawasan ang sasakyan sa kalsada at pati na rin ang carbon emission at polusyon.

Ang proposal ng Metro Pacific ay bilang tugon sa pampublikong panawagan ng syudad para sa unsolicited proposals para sa nasabing proyekto noong 2022. Ayon sa Metro Pacific, bukod sa pagsasaayos ng lagay ng trapiko ng syudad, layon din ng kanilang proposal na maiayon ang sistema sa mga batas at polisiya na meron ang Baguio upang mapalawig ang disiplina at kaligtasan sa kalsada.

Sinigurado rin ng kumpanya na magpapatuloy ang mga konsultasyon tungkol sa kanilang proposal upang maibahagi rin ito sa iba pang mga sektor. (Joel Cervantes | Jimmy Bernabe)

(Source: PIO Baguio)

Leave a Reply