Pangulong Duterte tumulak na patungong Israel para sa kanyang 3-day official visit

0
60

Tumulak na patungong Israel si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw para sa kanyang official visit sa nasabing bansa.

Bitbit ng Pangulo sa kanyang biyahe ang isandaan at limampung negosyante gayundin ang mga opisyal ng defense department.

Kabilang sa mga pakay ng Pangulo sa nasabing bansa ang pagbili ng mga armas para sa sandatahang lakas ng Pilipinas at pagpapalakas ng kalakalan.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang departure speech sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport Terminal 2, umaasa siyang magiging mabunga pabor sa Pilipinas ang kanyang magiging biyahe.

Kukumustahin din ng Pangulo ang kalagayan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga nasabing bansa bilang pagtupad sa kanyang ipinangako noong kampanya.

Kasama rin ng Pangulo ang ilang miyembro ng gabinete kabilang si executive secretary salvador medialdea kaya’t pansamantalang itinalaga si Justice Secretary Menardo Guevarra bilang pansamantalang caretaker ng bansa habang wala ang Pangulo.

Tatagal hanggang Setyembre a-singko ang biyahe ng Pangulo sa Israel at dideretso naman ito sa bansang Jordan mula Setyembre a-singko hanggang a-otso.


Pangulong Duterte, tutol sa kahit anong uri ng smuggling

Samantala, tutol si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing ligal ang smuggling o pagpupuslit ng iba’t ibang produkto papasok ng bansa.

Ito’y sa harap na rin ng isinusulong ni Agriculture Secretary Manny Piñol na gawing ligal umano ang smuggling ng bigas sa zambasulta o mga lalawigan ng Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi dahil sa nararanasang krisis sa bigas doon.

Ayon sa Pangulo, tiyak na malalagay lamang sa alanganin ang ekonomiya ng bansa kung gagawin ang gayung hakbang.

Kasunod nito, binalaan din ng pangulo ang mga negosyanteng sangkot sa hoarding o pagtatago ng mga suplay na bigas gayundin ng cartel na siyang nagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino.