Pamamahagi ng SAP sa mga apektadong pamilya dahil sa COVID-19 huwag na masyadong higpitan — Sotto

0
21

Dapat na hindi na masyadong higpitan ang mga lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng emergency cash assistance para sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng coronavirus disease 2019(COVID-19).

Ito ang binigyang diin ni Senate President Vicente Sotto III dahil sa dumaraming reklamo bunsod ng mabagal na pamamahagi ng ayuda para sa mga benepisyaryo ng social amelioration program (SAP).

Ayon kay Sotto, dapat na ibigay na lang nang ibigay ang cash assistance dahil lahat naman ay naapektuhan ng COVID-19.

Paliwanag ni Sotto, mayroon kasing mga pamilya na hindi kuwalipikadong makatanggap ng ayuda sa ilalim ng naturang programa.

Aniya, maari naman isama na lamang ito ng mga LGU’s sa mga benepisyaryo ng nabanggit na programa dahil nasa gitna ng pandemic ang buong mundo, at lahat ay nanganganib sa banta ng gutom, at sakit.

Sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act, nasa 18-M pamilya mula sa mahirap na sektor ang target ng pamahalaan na mabigyan ng emergency subsidy.