Palasyo dumistansya sa ibinunyag ni Paolo Duterte na kudeta laban sa administrasyon

0
43

Dumistansya ang Malakanyang sa ibinunyag ni presidential son at dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na may namumuong kudeta laban sa administrasyon ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi nakikialam ang Malakanyang sa pahayag ng nakababatang Duterte at nirerespeto ni Pangulong Duterte ang mga pananaw ng kanyang mga anak.

Ipinauubaya na rin nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency ang pag-aksyon kung hihilingin ng nakababatang Duterte na suriin ang ouster plot laban sa kanyang ama.

Bahala na rin anya ang dating bise alkalde na magpaliwanag kung saan at paano niya nakuha ang impormasyon na may pagtatangkang patalsikin sa puwesto ang punong ehekutibo.

Sa kabila nito, kumpiyansa ang Malakanyang na hindi magtatagumpay ang alinmang grupo na patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte.