Pagdinig ng Kamara hinggil sa water crisis umarangkada na

0
56

Inilarga na sa Kamara ang imbestigasyon kaugnay sa water service interruptions na nararanasan ng mga customer ng Manila Water sa Metro Manila, Rizal at Cavite.

Pinangunahan nina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, House Committee on Metro Manila Development Chairman at Quezon City 2nd District Representative Winston Castelo ang naturang hearing.

Dumalo naman sina Majority Leader Fredenil Castro at Health Secretary Francisco Duque III maging ang mga kinatawan mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System, Manila Water at Maynilad.

Target ng mga kongresista na mabatid kung ano ang sanhi ng service interruptions, gaano katagal ang problema at mga paraan upang maiwasang maulit ito.


DOH

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na walang naitalang sakit o casualty ang ahensya sa gitna ng naranasang kawalan ng supply ng tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lugar.

Ito ang inihayag ni Health Secretary Francisico Duque III sa kanyang naging pagharap sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development kaugnay ng krisis sa tubig.

Ayon kay Duque, agad na tinutukan ng DOH ang mga hospital na nawalan ng supply ng tubig partikular na ang Rizal Medical Center na matinding naapektuhan ng nangyaring water crisis dahil sa mataas na lokasyon nito.

Aniya, agad siyang nakipag-ugnayan sa mga water concessionaires at sa MWSS para matiyak ang supply ng tubig ng mga pampublikong hospital sa Metro Manila.

(Ulat ni Jill Resontoc)