Ozamiz City Police Chief Espenido itatalaga sa Catanduanes

0
52

Ililipat sa lalawigan ng Catanduanes ang kontrobersyal na hepe ng Ozamiz City Police na si Chief Inspector Jovie Espenido.

Batay ito sa ipinalabas na memorandum ng Philippine National Police Directorate for Personnel and Records Management na may petsang Oktubre 11.

Sinasabi namang posibleng italaga si Espenido sa mga bayan sa Catanduanes kung saan ang mga alkalde nito ay napabilang sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Magugunitang naging kontrobersyal si Espenido matapos na pangunahan ang pagsalakay sa tahanan ni dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na sinasabing sangkot sa iligal na droga noong 2016.

Kalauna’y napatay naman si Espinosa sa hinihinalang shoot out habang nakakulong sa Baybay City Provincial Jail.

Kasunod nito, inilipat si Espenido sa Ozamiz City Police kung saan ikinasa nito ang isang raid sa tahanan ng suspected drug lord na si Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na nagresulta sa pagkamatay ng siyam katao kabilang ang alkalde.