NPA hindi sumunod sa idineklara nitong tigil putukan — AFP

0
17

Minaliit lang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbabalik opensiba ng New People’s Army (NPA) kahapon, Mayo 1.

Ito’y makaraang palawigin pa ng rebeldeng grupo ang idineklara nilang unilateral ceasefire mula Abril 15 hanggang 30.

Ayon kay AFP Spokesman Marine B/Gen. Edgard Arevalo, kahit pa noong umiiral ang unilateral ceasefire ng pamahalaan sa mga rebelde, hindi pa rin naman nila ito sinusunod.

Katunayan, sunod-sunod pa rin aniya ang mga ginagawang pag-atake ng mga rebelde sa tropa ng mga sundalo’t pulis na nagbabantay naman sa pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan sa mga apektado ng lockdown dulot ng COVID-19.

Mula nang palawigin aniya ng NPA ang kanilang tigil putukan noong Abril 16, aabot sa 34 na opensiba ang kanilang ikinasa kung saan, nasa 10 rebelde ang kanilang napatay habang 7 naman ang naaresto o di kaya’y sumuko.

Nakakumpiska rin ang AFP ng halos 60 matataas na kalibre ng armas at bala ang nakumpiska ng militar mula sa mga rebelde.

Nakuha rin nila sa mga ito ang nasa 20 mga pampasabog at hindi mabilang na mga subersibong dokumento.