Mga sundalo dapat laging maging handa laban sa mga terorista —Duterte

0
41

Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo na mag-reserba ng bala ng baril para sa kanilang sarili sakaling madukot ng mga terorista.

Sa talumpati sa harap ng Philippine Marine Corps sa Fort Bonifacio, sinabi ng pangulo na mas mabuti pang kitilin ng mga sundalo ang kanilang sariling buhay sa halip na pahirapan ng mga terorista.

Ayon sa pangulo, ayaw niyang makita o mabalitaang dinukot ang kaniyang mga sundalo at tinatratong parang aso habang nasa kampo ng mga terorista at makalipas ng ilang buwan ay maglalabas ng video para ipakita na pupugutin na ang kanilang ulo.

Sinabi ng punong ehekutibo na may mga armas ang mga sundalo na maaari nilang gamitin para patayin ang mga kalaban at magagamit din nila sa kanilang sarili sakaling magkagipitan na.

Kasabay nito, tiniyak ng pangulo sa mga sundalo na hindi pababayaan ng gobyerno ang kanilang pamilya sakaling may mangyari sa kanilang masama dahil sa pagseserbisyo sa bayan.