Sumampa na sa higit 16,000 pasahero ang bilang ng mga na-stranded na pasahero sa iba’t-ibang pantalan sa bansa ngayong bisperas ng Pasko, ika-24 ng Disyembre.
Ito ay batas sa datos na inilabas ng Philippine Coast Guard (PCG) kung saan hindi na pinayagang makapaglayag ng mga otoridad ang mga barko sa mga lugar na nasa ilalim ng storm warning signal no. 1 at pataas.
Ayon kay PCG spokesman Capt. Armand Balilo, nais lamang nilang matiyak ang kaligtasan ng publiko lalo na’t itinaas na ng PAGASA ang storm warning signal sa ilang mga lugar.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Balilo na mayroon namang inihanda ang Department of Transportation (DOTr) na mga pagkain, tubig at tulugan para sa mga apektadong pasahero.
Batay sa tala, karamihan ng mga na-stranded na pasahero ay mula sa mga pantalan ng Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, Southern Luzon, Northern Mindanao at Western Mindanao.
Sa ngayon, pansamantala ring suspendido ang operasyon ng 1,896 na rolling cargoes, 96 na vessels at 15 motorbanca dahil pa rin sa sama ng panahon.