Mga naaresto dahil sa diskriminasyon, pananakit sa mga health workers halos 40 na

0
20

Muling tiniyak ng Joint Task Force COVID-19 Shield sa mga tinaguriang health frontliners na kanilang bibigyang hustisya ang mga dumaranas ng karahasan at diskriminasyon.

Ito’y matapos ipag-utos ni JTF COVID-19 Shield Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar ang pagtugis sa mga nasasangkot sa pananakit at diskriminasyon sa mga health worker.

Batay sa datos mula Marso 17 hanggang Abril 29, umabot na sa mahigit 100 kaso na ng pananakit at diskriminasyon sa mga health worker ang kanilang naitala.

Mula nabanggit na bilang ng mga naitatalang kaso, sinabi ni Eleazar na nasa 39 na mga suspek ang kanila nang naaresto at kinasuhan dahil sa kanilang ginawa.

Ilan sa mga kasong ito ay ang pagsasboy ng kemikal sa mga health worker habang ang ilan ay pinalalayas naman sa mga inuupahan o tinutuluyang lugar sa takot na taglay nila ang nakahahawang COVID-19.

Tinukoy din ni Eleazar ang Western at Central Visayas, Mimaropa at Metro Manila na may pinakamataas na kaso ng diskriminasyon at pananakit sa mga tinaguriang bayani na nagbubuwis ng buhay upang malabanan lang ang nakamamatay na virus.