Mga kaanak ni Napoles nanindigang inosente sa 900-M peso Malampaya Fund Scam

0
46

Nanindigan ang pamilya ng umano’y pork barel fund scam mastermind na si Janet Napoles na inosente sila sa 900 million peso Malampaya Fund Scam.

Sa arraignment ng Sandiganbayan 3rd division, naghain ng not guilty plea ang mga anak ni Napoles na sina Jo Christine at James Christopher maging ang mga kapatid na sina Reynaldo at Ronald Francisco Lim.

Kaugnay ito sa 97 counts ng graft at 97 counts ng complex crime of malversation of public funds sa pamamagitan ng pamemeke ng public documents.

Itinakda naman ng korte ang pre-trial ng kanilang kaso sa Abril 22 kung saan inaasahang magsusumite ng kani-kanilang testigo at documentary exhibit ang prosecution at defense.

Samantala, hindi naman na-arraign si Napoles matapos mabigo ang Supreme Court ng formal authorization letter upang makadalo siya sa court proceedings makaraang i-commit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Magugunitang inilipat ang akusado sa koreksyonal mula Camp Bagong Diwa sa Taguig matapos ang conviction sa kasong plunder kaugnay sa PDAF scam.