Lebel ng tubig sa mga dam binabantayan na

0
39

Patuloy na mino-monitor ng National Water Resources Board o NWRB ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan sa gitna ng inaasahang kakulangan ng ulan hanggang Hunyo.

Sa pinaka-huling monitoring ng NWRB,  nasa normal level na 202.3 meters ang lebel ng tubig  sa Angat o malayo pa sa critical level na 180 meters.

Ang naturang dam ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila.

Ayon kay NWRB Executive Director, Dr. Sevillo David Jr, posibleng magpatupad sila ng adjustment sa water allocation sa oras na ideklara na ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-init.

Magugunitang nagpatupad ng supply adjustment ang Manila Water sa ilang lugar sa east zone   bunsod ng implementasyon ng kanilang El Niño water supply contingency plan simula noong kahapon.


Lebel ng tubig sa La Mesa Dam malapit nang umabot sa critical level

Malapit nang umabot sa kritikal ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City.

Kahapon ay naitala ng PAGASA Hydro-Meteorology Division ang 69.35 meters na water level sa La Mesa kumpara sa 69.47 meters noong Martes.

Ito ang dahilan kaya’t magbabawas pa ang Manila Water ng produksyon sa kanilang mga customer sa east zone na kasalukuyang nakararanas ng mahinang pressure hanggang sa walang supply ng tubig simula noong Lunes.

Ayon kay Manila Water Spokesman Jeric Sevilla, posibleng lumala pa ang sitwasyon lalo’t papalapit na ang tagtuyot o dry season dahil sa El Niño phenomenon.

Ang mga maaapektuhang lugar ay ang Marikina, Pasig, Taguig at Quezon cities maging ang mga bayan sa lalawigan ng Rizal.

Pinayuhan naman ng Manila Water ang kanilang mga customer na mag-imbak ng tubig.