Isang pulis sugatan, isa kritikal matapos tambangan sa Riverbanks, Marikina

0
16

Kritikal ang isang pulis habang isang kasamahan nito ang sugatan matapos tambangan sa bahagi ng Riverbanks, Marikina, pasado 11:00 kaninang umaga.

Kinilala ang mga ito na sina Police Executive Master Sergeant Demetrio Magpali Jr. at Police Master Sergeant Edward Yap na pawang mga nakadestino sa district special operations unit ng CIDG.

Ayon kay Eastern Police District Spokesperson Major Virgilio Timajo, binabagtas ng dalawang pulis ang bahagi ng A. Bonifacio Avenue papasok ng Riverbank Malls sakay ng kani-kanilang motorsiklo ng biglang harangin ng suspek na nakamotosiklo rin.

Bigla na lamang umanong pinaputukan ng suspek ang dalawang pulis na tinamaan sa ulo at hita.

Sinabi ni Timajo, nagawa pa ring makaganti ng putok ng dalawang pulis na dahilan naman ng pagkakapatay sa hindi pa nakikilalang salarin.

Kasalukuyan namang ginagamot ang sina magpali at yap sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)