(Legazpi City, February 6, 2025) Binigyang pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay (SPA) si Punong Barangay (PB) Glenn J. Barcelon ng Dap-Dap, Legazpi City na itinanghal bilang isa sa regional Civil Service Commission (CSC) winner.
Ito’y kasunod ng kanyang pamamayagpag sa 2024 Regional Search for Outstanding Government Workers kung saan nasungkit niya ang Dangal ng Bayan Award.
Si PB Barcelon ay dumalo sa 125th Regular Session ng SPA noong Martes, ika-4 ng Pebrero, upang personal na tumanggap ng kopya ng Provincial Resolution No. 1596-2025 o ang “Commending and Congratulating Punong Barangay Glenn J. Barcelon of Barangay 57 Dap-Dap, Legazpi City for being a Regional Winner of the Civil Service Commission Dangal ng Bayan Award.”
Ang naturang resolusyon na iniakda ni Second District Board Member Hisham B. Ismail ay bilang pagkilala sa kanyang katangi-tanging dedikasyon sa larangan ng public service.
Matatandaang una na siyang pinarangalan ng CSC sa isinagawang awarding ceremony noong ika-9 ng Setyembre 2024 sa The Marison Hotel, Legazpi City.
Samantala, ang Search for Outstanding Government Workers ay inorganisa ng CSC para kilalanin ang mga public officials na nagpamalas ng galing at debosyon sa serbisyo publiko.
Source: Albay PIO
