Inihayag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region V Regional Director Ariel Pioquinto na ang pagtatayo ng Albay Provincial Multi-Species Freshwater Hatchery sa Camalig, Albay ay magpapalakas aquaculture sector sa lalawigan.
Sa kanyang mensahe sa ginanap na groundbreaking ceremony ng bagong freshwater hatchery, binanggit ni Pioquinto na sa kasalukuyan ay halos 90 porsyento ng kinokonsumong isda ay nagmumula pa rin sa “capture fisheries” o ang tradisyonal na paghuli gamit ang mga bangka sa karagatan.
Binigyang-diin niya na ang natitirang 10 porsiyento ay magsisilbing pintuan upang higit pang mapalawak ang industriya ng “aquaculture” sa pamamagitan ng itinatayong multi-species hatchery site.
Ang proyektong ito ay inaasahang magbibigay ng malaking tulong hindi lamang sa mga direktang benepisyaryo kundi maging sa kabuuang seguridad sa pagkain ng buong probinsya ng Albay.
Source: Albay PIO
