Iriga: Miyembro ng CTG, Sumuko sa Magallanes MPS

0
1

Sumuko sa kapulisan ang isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa himpilan ng Magallanes Municipal Police Station sa Brgy. Binisitahan Sur, Magallanes, Sorsogon noong umaga ng Marso 7, 2026.

Kinilala ang sumuko na Alyas “Vincent”, 51 taong gulang. Boluntaryo rin niyang isinuko ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number at apat na piraso ng bala.

Ang kanyang pagsuko ay naging matagumpay sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan at negosasyon ng mga tauhan ng Magallanes MPS sa koordinasyon ng 22nd Infantry Battalion, 9th Infantry Division ng Philippine Army.

Sa isinagawang debriefing, ibinahagi ng nasabing indibidwal na siya ay na-recruit sa kilusan noong taong 1986 at naging aktibong kasapi hanggang taong 2007 kung saan nagsilbi rin siya bilang Vice Commanding Officer ng Sandatahang Yunit Propaganda ng kanilang grupo.

Sa kasalukuyan, siya ay sumailalim na sa dokumentasyon, medical examination at debriefing habang inihahanda ang mga kinakailangang papeles para sa kanyang aplikasyon sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

Samantala, ang isinukong baril ay nasa kustodiya na ng Magallanes MPS para sa kaukulang dokumentasyon at ballistic examination. Patuloy namang hinihikayat ng kapulisan ang iba pang nalalabing miyembro ng armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan upang makapamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya at komunidad.

Source: Sorsogon PPO

Leave a Reply