Mula sa pagbubuntis, hanggang sa pagkatapos manganak, libreng mga serbisyo ang patuloy na ipinagkakaloob ng Kagawaran ng Kalusugan sa ilalim ng Safe Motherhood Program.
Layunin ng programang ito na bigyan ng maayos na access at kaliwanagan ang mga kababaihan, partikular ang mga nanay, tungo sa pagkakaroon ng ligtas na pagbubuntis. Ito ang pahayag ni Ms. Maria June R. Robles, Nurse V ng DOH Bicol CHD, sa ginanap na ika pitong episode ng Chikahang Pangkalusugan, ika-9 ng Mayo.
Kasama dito ang pagbabahagi ng mga gamot tulad ng iron folic acid at calcium carbonate para sa mga high risk na nagbubuntis, saad ni Ms. Robles.
Kabilang din sa mga libreng serbisyong handog ng nasabing programa ay pagbibigay ng tetanus-containing vaccine bilang karagdagang proteksyon para sa mga nanay at kanilang anak, dagdag ni Ms. Robles.
Pinalalakas din ng Safe Motherhood Program ang pangangalaga sa panahon ng panganganak. Kaakibat nito ang pagpapaigting ng intrapartum care kung saan tinitiyak nito ang masusing pagsubaybay at pagsuri ng kalagayan ng ina at ng kanyang anak mula sa mismong oras ng panganganak hanggang sa pagkapanganak. Bahagi ito ng identification at management protocols para sa mga high-risk na panganganak.
Kasabay ng talakayang ito ang pagdiriwang sa Safe Motherhood Week ngayong ikalawang linggo ng Mayo, bilang pagpapahalaga sa pangagalaga ng kalusugan ng bawat nanay at ng kanyang anak.
Alinsunod sa tema ng selebrasyon na ito, patuloy na hinihimok ng Kagawaran ng Kalusugan Bicol sa bawat kababaihan na piliing magpakonsulta sa mga health centers at ugaliing magpa check-up upang komplikasyon sa pagbubuntis ay mas maiwasan.
Ang mag serbisyong ito ay maaaring ma-access sa pamamagitan ng pakikipagugnayan sa mga Rural Health Units (RHU) o DOH-accredited health centers.
Source: DOH Bicol CHD
