Nagbigay ng babala ang Department of Health (Philippines) (DOH) tungkol sa panganib ng Holiday Heart Syndrome ngayong kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, ang mga ospital ay naka-alerto sa mga sakit na may kaugnayan sa kondisyong ito, tulad ng stroke, na maaaring sanhi ng labis na pag-inom ng alak, stress, kakulangan sa pahinga, at pagkain ng maalat o matataba na nagpapataas ng presyon ng dugo. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng arrhythmia o abnormal na heart rhythm, na isa sa mga sanhi ng stroke.
Hinihikayat ng DOH ang mga pamilya na panatilihing malusog ang kanilang katawan sa pamamagitan ng tamang pagkain, regular na ehersisyo, at disiplina sa pagkain sa panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay Secretary Herbosa, mahalaga ring iwasan ang sobrang pagkain ng maalat, matataba, at matatamis na pagkain, at palitan ito ng masustansyang gulay at prutas.
Inilunsad din ang mga kampanyang “BiyaHealthy” at “Iwas Paputok” upang maiwasan ang mga aksidente dulot ng paputok at mga aksidente sa kalsada.
Pinayuhan ng DOH ang publiko na mag-ingat at magdiwang ng ligtas at malusog na kapaskuhan.
(Source: PIA Bicol Region)
