SAN AGUSTIN, PILI, CAMARINES SUR – “Sapat ang supply ng bigas sa Bicol at sisikapin nating mapantayan ang dry season production performance natin sa palay ngayong paparating na wet season sa kabila ng mga hamon dala ng giyera sa Middle East,” ito ang pahayag ni DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla sa katatapos na pulong niya sa mga opisyales ng kagawaran.
Ayon sa datus ng DA Bicol Rice Program aabot sa 148,340 ektarya ang nataniman ng palay (hybrid, certified seeds, at farmers home saved seeds) sa Bicol nitong dry season na nagsimula noong Sept. 16, 2025. Nagsimula na din ang anihan ng palay at nitong March 31 ay naka pag ani na sa mahigit 20,000 ektaryang palayan ng aabot sa 75,000 MT. Sa Camarines Sur, nanatiling mataas pa rin ang farmgate price ng tuyong palay sa P26 hanggang P29/kilo, at sariwang palay sa P23 hanggang P25/kilo.
Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 2.38 % ang produksyon ng palay noong 2025 at umabot sa 1,202,079.35 MT. Tumaas din ang rice sufficiency ng Bicol sa 103%
Sa datus ng National Food Authority (NFA) Bicol nitong katapusan ng Marso, sapat ang stocks na palay sa rehiyon (617,253 bags) at bigas (104,772 bags milled rice). Nagpapatuloy naman ang bentahan ng Benteng Bigas (P20 rice) sa mga vulnerable sectors.
Binago ng DA Bicol ang rice planting calendar upang maiwasan ang pinsala ng mga bagyo sa mga buwan ng Oktukre hanggang Disyembre. Ang nakagawiang taniman tuwing Hulyo, ay pina-aga at ginawang Hunyo upang Setyembre ay anihan na at maiiwasan ang malalakas na bagyo.
Sa kabila naman ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, tinitiyak pa din ng DA Bicol na maipagpapatuloy ang mga interbensyong nakalaan sa mga magsasaka ng palay sa darating na wet cropping season. Nakahanda na ang aabot sa 60,000 bags ng hybrid palay seeds na ipapamahagi sa mga rice clusters. Sasamahan din ito ng soil ameliorants at biofertilizer. Sa buong Bicol mayroon nang 370 rice clusters na binubuo ng mga clustered farms na may sukat mula 100 ektarya pataas, at ang pinaka malawak ay mahigit 700 ektarya.
Hinihikayat ni Director Tornilla ang mga magsasaka ng palay lalo na ang humigit kumulang 65,000 rice farmers na miyembro ng mga asosasyon na naging benepisyaryo ng iba’t-ibang programa noong nakaraang taon tulad ng farm machineries, postharvest facilities, mga imprastruktura tulad ng FMR, at credit facilities na patuloy na makibahagi sa mga programa ng kagawaran upang makatulong na mapanatili ang rice sufficiency ng rehiyon.
Samantala, inihahanda na rin ng DA Bicol ang pamimigay ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) ngayong Abril kung saan ang DA Bicol ay may allocation na P604,612,250.00 para sa 260,050 magsasaka na mabibigyan ng P2,325.00 bawat isa. Ang mga kwalipikado sa buong rehiyon ay 169,480 magsasaka ng palay na nagsasaka ng hindi hihigit sa 2-ektarya, 50,970 magmamais, 1,200
magtatanim ng tubo (sugarcane) na pawang nakarehistro sa RSBSA at nakapagtanim bago nagsimula ang giyera sa Gitnang Silangan at 38,400 mangingisda na rehistrado sa FishR. (Lovella P. Guarin)
Source: DA Bicol
