IRIGA: DA-AMIA, pinasinayaan at Ipinagkaloob ang Multi-Commodity Processing Center sa CARFI sa Cam. Sur

    0
    0

    PAMPLONA, CAMARINES SUR — Pormal na pinasinayaan at ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA), sa ilalim ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Program, ang P4M Multi-Commodity Processing Center (MCPC) para sa CVT Agri Resilient Farmers Organization Incorporated (CARFI), na binubuo ng 46 na miyembro, sa Barangay Cagbunga, Pamplona, Camarines Sur, noong Oktubre 27, 2026.

    Bunga ng pagtutulungan ng DA-AMIA, CARFI, at Lokal na Pamahalaan ng Pamplona sa pangunguna ni Mayor Manuel O. Agustin, layunin ng pasilidad na makatulong sa pagproseso at pagpapalawak ng merkado ng mga produktong agrikultural ng samahan, kabilang ang palay, isda, at nipa shingles.

    Kabilang sa mga produktong ipinagmamalaki ng CARFI ang nipa ice cream, sweetened nipa palm fruit, at banana chips. Mayroon ding sariling panaderya ang samahan na gagawa ng iba’t ibang uri ng tinapay. Inaasahang hindi lamang mga miyembro ng CARFI ang makikinabang sa pasilidad kundi pati ang mga residente ng mga karatig-barangay ng Cagbibi, Patong, at Poblacion.

    Sa mensahe ni Perla G. Baltazar, Senior Technical Officer ng DA Climate Resilient Agriculture Office (CRAO),binigyang diin ang kahalagahan ng wastong paggamit ng mga natanggap na interbensyon at pagpapatuloy ng mga gawaing nagpapalakas sa kakayahan ng mga magsasaka na harapin ang epekto ng climate change. Hinikayat niya ang samahan na panatilihin ang pagkakaisa at maayos na pamamahala upang higit pang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

    Samantala, binigyang-diin ni Lorenzo L. Alvina, Regional Technical Director for Research and Regulations, ang kahalagahan ng pag-uugnay ng produksyon, pagproseso, at pagmemerkado upang mapataas ang halaga ng mga produkto at matiyak na mas makikinabang ang mga magsasaka sa kanilang pinaghirapan.

    Nagpasalamat naman si Monina S. De Belen, presidente ng CARFI, sa DA-AMIA at sa lahat ng tumulong sa kanilang samahan. Pangarap nilang balang araw ay maging mayaman, higit pang mapalago ang kanilang negosyo, at makapagpatayo ng panibagong gusali gamit ang kikitain mula sa operasyon ng MCPC.

    Dumalo rin sa seremonya sina Ronaldo “Boy” F. Franco, Vice Mayor ng Pamplona; Renato D. Acasio, APCO Camarines Sur; Kristina Concepcion S. Labita, OIC Chief ng Special Projects Coordination and Management Assistance Division (SPCMAD); at Engr. Lorence Andro B. Vela, Municipal Agriculturist, kasama ang iba pang kinatawan ng DA, lokal na pamahalaan, at mga miyembro ng CARFI. Sa pamamagitan ng MCPC, inaasahang magkakaroon ang CARFI ng mas malaking oportunidad na mapalago ang kanilang mga produktong agrikultural, mapatatag ang samahan, at mapaunlad ang kabuhayan ng mga miyembro nito.

    Source: DA Bicol

    LEAVE A REPLY